I-KAILANGAN, kapatid ko, ang magbukas ka’t bumasa ng
filosofia, o ng teologia at iba pang karunungan upang maranasan mo ang
kadakilaan ng Dios.
Sukat ang
pagmasdan iyang di-mamulatang hiyas na inilaganap sa mundong pinamamayanan
mo! Sukat ang pagwariin mo ang
sarisaring bagay na rito sa lupa ay inihahandog sa iyong kahinaan, pangpawi sa
iyong kalumbayan, panliwanag sa kadiliman; at sino ka may’y sapilitang maiino
mo na may isang makapangyarihang lumalang at namamahalang walang tigil sa lahat
ng ito.
Masdan mo ang
isang kaparangan; masdan mo ang mga halamang diya’y tumutubo, buhat sa
hinahamak mong damo hanggang sa di-mayakap na kahoy na pinamumugaran ng ibon sa
himpapawid; masdan mo’t pawang nagpapahayag na ang kanilang maiksi o mahabang
buhay ay hindi bunga ng isang pagkakataon; wariin mo’t mararanasan ang kamay ng
Dios, na naghahatid oras-oras sa mga halamang iyan ng dilig na ipinanariwa ng
init na nagbibigay-lakas at pumipigil ng pagkabulok ng hangin at iba’t iba pang
kinakailangang ilago at ikabuhay hanggang sa dumating ang talagang takda ng
paggagamitan sa kanila.
Tingnan ang
pagkakahalayhay nila’t isang malawak na hardin na wari’y naghahandog ng galak
sa matang nanonood; ang mahinhing simoy ng hangin na naghahatid-buhay at
nagsasabog naman ng masamyong bango ng kanilang bulaklak ay isang halik wari na
ikinikintal sa inyong noo ng Lumalang sa atin, kasabay ang ganitong sabi:
“Anak
ko, ayan ang buhay, ayan ang ligaya hayo’t lasapin mo’t iya’y handog na talaga
ng aking ganap na pagmamahal; bundok, ilog at karagatan ay pawang may inimpok
na yamang inilalaan ko sa iyo; para-arang kakamtan mo huwag ka lamang paraig sa
katamaran, gamitin mo lamang ang isip at lakas na ipinagkakaloob ko sa iyo;
huwag mong alalahanin ang dilim sa lupa; nariyan ang bituing mapaninintunan mo kung maglalayag ka sa kalawakan ng
dagat; wala akong hangan anak ko kudndi ang kamtan mong mahinusay ang buong
ginhawa, buong kasaganaan at payapang pamumuhay. Talastas kong kapos ang kaya
mo sa pagganti sa akin; talastas kong kapos ang lakas mo. Sukat nang mahalin mo
ang kapwa mo tao, alang-alang man lamang sa pagmamahal ko sa lahat; mahalin mo
ang nilikha ko, mahalin mo ang minamahal ko at bukas makalawa’y may tanging
ligaya pang pilit na tatamuhin mo.”
Diyan ay sukat
nang nabanaagan, nanasang irog, ang kadakilaan niyong Dios na di nalilingat
sandali man sa pagkakalinga sa atin. Dakila sa kapangyarihan, dakila sa
karunungan, at dakila pa nga rin sa pag-ibig, sa pagmamahal at pagpapalayaw sa
kanyang mga anak dito sa lupa; at pantas man o mangmang, mayaman man o dukha,
ay walang mawawaglit sa mairog at lubos niyang paglingap.
Sa kadakilaang
ito’y sino kaya sa mundo ang sa kanya’y makahuhuwad? Huwag na ang sa gawaing lumikha, huwag na sa pagdudulot ng buhay
at kaligayahan. May puso kaya baga sa lupang makapagmamahal sa iyo nang gayong
pagmamahal? May puso kaya baga sa lupang makapamumuhunan ng buong pag-irog sa
iyo, kahit sukat na sukat nang wala kang igaganto kundi katampalasanan? May puso kaya bagang makararating sa gayong
pag-ibig?