![]() |
Ugnayang Pamayanan COVENANT 2002 WED-Philippines Network
|
|
WED-Philippines
( Pagsasanib-lakas ng LGUs, Scouts, mga Kooperatiba, PTA, atbp. sa Komunidad )
SAPAGKAT ang maliliit na Pamayanan, na binubuo ng mga kapitbahayan, ay pinalawak na Tahanan ng karaniwang mamamayan, at kung gayo’y sila ang pangunahing nararapat na buhayin at pangunahing nararapat mangalaga sa likas na kayamanan nito;
SAPAGKAT mabilis na lumulubha ang kalagayang pangkapaligiran ng mga pamayanan, at ng malaking mga bukluran ng mga ito sa saklaw ng mga bansa at maging ng buong planetang Daigdig, sa pagkaubos ng mga likas na kayamanan at pagkakalason ng mga ito, at kung gayo’y nanganganib na sa lalong madaling panahon ay hindi na matitiyak at matatangkilik nito ang malusog na buhay at saganang kabuhayan ng mga mamamayan, laluna ng mga kabataan at kasunod pang mga salinlahi na magmamana ng papalubhang pangkapaligirang pagkakasirang ito;
SAPAGKAT ang mga ahensya ng pamahalaan at mga samahan at institusyong nasa labas ng pamahalaan ay napatunayan nang hindi sapat na nakakaugat o nakaaabot man lamang sa mga pamayanan upang maging mabisa sa paghikayat na maging mapag-aruga sa kalikasan ang mga bumubuo ng mga pamayanan sa kanilang sama-sama at hiwa-hiwalay na isip, salita at gawa;
SAPAGKAT nasa pinakamaliliit naming pamayanan ang mga kooperatiba o mga kasapi ng mga ito, ang mga pangkat o konseho ng Boy Scouts of the Philippines, Girl Scouts of the Philippines, mga samahan ng guro at magulang, mga samahan o ahensya ng mga nangangalaga sa kalusugan, at iba pang mga bukluran ng mga taong ang bawat isa’y may mahalagang papel na magagampanan upang itaguyod ang pangangalagang pangkapaligiran at likas-kayang pag-unlad sa buhay ng pamayanan, ngunit ang mga nasabing bukluran ay hindi sapat na nag-uugnayan sa isa’t isa upang sama-samang harapin ang ganitong mga hamon alang-alang sa kalikasan at kinabukasan;
SAMAKATUWID, KAMING MGA NAKALAGDA sa Kasunduang ito, ay nagpapanata, sa ngalan ng aming karangalan, na magtutulungan sa isa’t isa, at kakatulungin ang lahat ng makakayanang maabot ng aming paghimik, upang maitayo sa lalong madaling panahon, sa pinakamaraming pamayanan sa Pilipinas na aming makakaya, ng mga Lupon ng Ugnayang Pamayanan, ayon sa sumusunod na mga alituntunin na bibigyang-laman pa ng isang Aklat-Patnubay na ihahanda at pana-panahong pahuhusayin sa ilalim ng pagsubaybay naming mga lumalagda:
Ang tinutukoy na kalikasan ay nangangahulugan ng sumusunod: una, ang pisikal na kapaligiran na siyang buháy na tahanan ng komunidad; pangalawa, ang kalikasan ng pamayanan mismo batay sa kanyang kasaysayan, tradisyon at yamang panlipunan; at pangatlo, ang likas na katangian ng bawat kasapi ng komunidad bilang tao na ganap na nagtataglay ng dignidad, kaalaman at mga karapatan. Ang buhay at pag-unlad ng lokal na ekonomiya ay matatag na maibabatay sa kaugnayan ng tao sa kanyang tahanang kalikasan na kanyang iginagalang at pinahahalagahan bilang tunay na yaman at puhunan. Ang pananatili ng mga tradisyon at mga pisikal na bakás ng kasaysayan ng pamayanan ay magsisilbing mga buháy na paaralan at buháy na museo para sa pamayanan mismo at para sa mga Pilipino at banyagang turistang maeengganyong dumayo.
Ang katagang kinabukasan ay tumutukoy sa pangkabuuang hinahangad na hinaharap— likas-kayang pag-unlad, kasapatan ng hanapbuhay o gawain at katiyakan sa sapat na pagkain at sa iba pang batayang pangangailangan. Tumutukoy ito sa lalong mayabong na yamang panlipunan, buhay na pakikipag-ugnayan sa lahat ng naging anak ng pamayanan saanman sila nagpasyang manahanan, at buhay na ugnayan at pakikipagsanib ng lakas sa iba pang pamayanan upang makabuo ng isang malaya, umaasa-sa-sarili, maunlad, mabunga, mapayapa, maginhawa, marangal at matatag na pambansang pamayanan na makabuluhang aambag sa pagkakaisa ng pandaigdigang mag-anak.
1. Katapatan sa Halaga ng Buhay. Palagiang maninindigan ang Lupon na di-masusukat ang halaga ng Buhay – buhay ng Tao, kalidad ng buhay ng mga tao, kalidad ng buhay ng pamayanan mismo, at buhay ng likas na kapaligirang tahanan nito – at di matutumbasan ng salapi. Samakatwid, sa mga pagpapasya sa mga usapin ay titimbanging mabuti kung alin sa pinagpipiliang mga pasya ang mag-aambag nang mas malaki sa kabuuang Kalikasan at Kinabukasan ng Buhay ng pamayanan. Ang pamiminsala sa buhay at kapanatagan ng pamayanan at sa likas na kapaligirang tahanan nito ay ituturing na krimen sa kasalukuyan pamayanan at sa susunod pang mga salinlahi nito.
2. Katapatan sa Buong Katotohanan. Bilang daluyan ng impormasyon para sa pamayanan, pagsisikapin ng Lupon na makalap at maipon sa talaan ang lahat ng mahahalagang impormasyong nauukol at nagsasangkot sa “kalikasan” at “kinabukasan” ng kanilang pamayanan, at ipalalaganap ang bawat impormasyon nang may kalakip na pagtataya sa katiyakan nito. Sapagkat kailangan ng pamayanan ng kumpleto at mapagkakatiwalaang kaalaman, ang magpapasa at magpapalaganap ng impormasyong may pagtatayang “tiyak” ngunit mali ay magtatamo ng pagbaba ng kredibilidad.
3. Katapatan sa Karapatang Magpasya ng Pamayanan. Ang Lupon ay palagiang maninindigan para sa demokratikong karapatang magpasya ng pamayanan sa lahat ng usaping nagsasangkot sa kanilang sama-samang kapakanan. Tutulungan ng Lupon ang pamayanan na bumuo ng malinaw na mga kapasyahan batay sa sapat at malayang kaalaman at pagtatalastasan, at hihimukin ang lokal na pamahalaan na bigyan ito ng mapagpasyang pagsasaalang-alang. Sa paggamit at pangangalaga sa mga likas na kayamanan at mga yamang panlipunan ng pamayanan, itinatakda ng tunay na demokratikong simulain na sariling mga kapasyahan ng buong pamayanan, sa pangunguna ng mga pinunong nasa pamahalaan at nasa labas ng pamahalaan, ang mas matimbang kaysa sa mga kapasyahang nagmumula sa labas o kahit sa mas malalaking saklaw ng pamamahala; ang pagsasanib-isip ng iba’t ibang pamayanan ang dapat magtakda ng mga pasya ukol sa mas malaking saklaw ng pamamahala na binubuo nila.
4. Katapatan sa Simulain ng Pagsasanib-lakas at Pagkakaisa. Sa lahat ng gagawing hakbangin at lahat ng pamamaraang gagamitin ng Lupon, isasaalang-alang ang layuning buuin, palakasin at/o panatilihin ang pagkakaisa ng pamayanan. Pahihigpitin nito ang ugnayan ng dati nang nag-uugnayan; pag-uugnayin nito ang hindi dating nag-uugnayan; palalamigin nito ang mga pag-aalitan; at bubuo ito ng mga tulay at gigiba ng mga harang sa pagi-pagitan ng mga bahagi ng pamayanan. Kahit sa pagpapasya ng Lupon ay sisikaping daanin lamang sa payapang paliwanagan at konsensus, na ang katitikan ay matapat na ipalalaganap sa pamayanan, sa halip na daanin sa botohan at bilangan. Iiwas ang Lupon na gumawa ng mga mabilis na pagpapasyang maaaring ikasira sa kakayahan nitong tumayo bilang buhay na daluyan ng impormasyon at opinyon. Ganoong simulain din ng pagsasanib-lakas at pagkakaisa ang isasabuhay ng Lupon sa pakikipag-ugnayan nito sa mga kaanib na organisasyon at sa buong pamayanan.
5. Katapatan sa lahat ng mga Batayang Karapatan. Walang gagawing hakbangin ang Lupon na lalabag sa karapatan sa malayang pag-iisip at malayang pamamahayag o sa anumang iba pang batayang karapatang pantao ninuman sa loob o sa labas ng pamayanan, at maninindigan pa nga ito laban sa anumang gayong paglabag. Sisikapin ng Lupon na makatulong upang ang lahat ng bahagi ng pamayanan ay ganap na makakilala at makapagtamasa ng mga karapatang ito na pawing di-maihihiwalay na bahagi ng dignidad ng tao.
1. Pinuno o kinatawang bahagi ng pamunuan ng pamahalaang lokal, bilang pangunahing tagapagpapulong (convenor) at tagapagpadaloy ng mga pulong (facilitator, hindi pagmumulan ng kapasyahan) ng Lupon. Mahalaga ang papel ng pamahalaang lokal na siyang binigyang-atas ng pamayanan upang lumikha at magpairal ng mga patakaran at mangasiwa sa pondo at iba pang yaman ng pamayanan. Dapat tiyaking ang Lupon ay maging mabisang daluyan ng impormasyon, pala-palagay at paninindigan ng lahat ng kasapi nito, sa halip na makinig lamang ang lahat sa pinuno o kinatawan ng lokal na pamahalaan.
2. Pinuno, kinatawan, o mga kinatawan, ng mga kooperatiba na aktibo sa pamayanan, bahagi man o hindi ang mga kooperatibang ito ng mas masaklaw (segundaryo) na mga kooperatiba. Bilang mga samahang ang esensya ay pagsasanib-sanib sa layunin, sa pagkilos at sa pagbabahagian ng bungang kakamtin ng pagkilos, ang malusog na mga kooperatiba ay mahalagang sandigan ng pagkakaisa ng buong pamayanan. Sila ang mainam na gawing haligi o isa man lamang sa pangunahing mga haligi ng likas-kayang pagpapaunlad sa ekonomya ng pamayanan—sa pagkamit ng katiyakan sa pagkain, sa pagpaparami ng mga hanapbuhay, sa pagtitipon ng puhunang minamay-ari ng malaking bahagi ng pamayanan, at sa pagtugon sa mga pangangailangang panserbisyo at pangkapaligiran ng pamayanan. Ang mga negosyanteng nananahanan sa pamayanan at/o kabilang sa takbo ng buhay nito, ay kakatawanin ng sektor-kooperatiba sa Lupon, ngunit maaari ring mapabilang sa mga “tagamasid o kasangguni”.
3. Mga pinuno ng Boy Scouts at mga pinuno ng Girl Scouts sa pamayanan. Ang mga samahang ito, na may mga kasapi sa karamihan ng mga pamayanan sa Pilipinas, ay may pauna nang pagkiling sa pagmamahal at pagmamalasakit sa likas na kapaligirang tahanan at yaman ng pamayanan. Batay sa pinagmulan ng kanilang pangalang “scouts” ay maaaari silang gawin at paunlaring mga tagamasid ng pamayanan sa mga kasiraan at panganib sa likas na kapaligiran. Bilang mga kabataan mismo, ang scouts ay mainam na mga kinatawan sa loob ng Lupon ng ideyalismo ng kabataan at tinig ng kapakanan ng kanilang henerasyon na nakasalalay sa mga kapasyahan at hakbanging ginagawa o hindi ginagawa ngayon ng mga nakatatanda sa kanila. Ang mga Boy Scout at mga Girl Scout ay nagsasabuhay din sa diwa ng boluntarismo sa paglilingkod sa pamauanan.
4. Mga pinuno ng Parent-Teachers’ Associations o PTAs, na nakatindig sa karamihan ng pamayanan sa Pilipinas. Sa bawat PTA ay nagsasanib ang mga magulang at guro na pawang may pananagutan at malasakit sa kinabukasan ng kabataan at sa ikatututo ng mga bata ng wastong mga halagahan (values) para sa Buhay, pagkakaisa, kapayapaan, demokratikong pamamahala, pananagutan ng mamamayan, at mga karapatang-pantao.
5. Kinatawan ng mga boluntaryo o personahe, sa pangangalaga ng kalusugan ng komunidad (community-based health programs o kung wala’y health center sa komunidad) Halos lubusang nakataya sa mga usaping pangkapaligiran, kabilang na ang kasiguruhan sa pagkain, ang pisikal na kalusugan ng pamayanan, at ang mga nangangalaga sa kalusugang pampubliko ay nararapat tumutok sa pagpigil ng mga sakit sa pamamagitan ng paghadlang sa polusyon sa hangin, sa katubigan at sa kalupaan, at makipagtulungan sa malalawak na lambat-ugnayan upang ang mga sakit na idinulot ng mapanirang mga proyekto sa ibang lugar ay hindi na maganap pa sa sariling komunidad.
6. Kinatawan ng mga samahang pampamilya (families’ associations or family-oriented associations) sa pamayanan na may kakayahang makaimpluwensya upang ang mga pamilya ay kumilos bilang mga pamilya sa ikasusulong ng mga layunin ng Ugnayang Pamayanan. Sa malusog na buhay pampamilya lamang maiuugat ang mainam na malasakit sa kapakanan ng buong komunidad (“malaking pamilya”) at sa likas na kapaligiran (“malaking tahanan”) nito.
7. Kinatawan ng mga nakatatanda (senior citizens) sa pamayanan, bilang likas na mga historyador ng pamayanan ukol sa mga tradisyon at naging takbo ng buhay sa nakaraan at bilang imbakan ng maraming aral mula sa kanilang kabang-yaman ng mga karanasan.
8. Mga pinuno at/o mga kinatawan ng mga samahan ng mamamayan (people’s organizations), laluna ang mga nakaugat sa mga sektor na aktibo sa produksyon ng pagkain, tulad ng mga magsasaka o mga mangingisda, kasama na ang mga samahang pangkabataan, pangkababaihan na aktibo sa pamayanan, laluna ang mga nakakatutok sa mga gawain o usaping pangkapaligiran, pangkultura at pangkasaysayan, produksyon at pangangalakal ng pagkain, pangkalusugan at pampalakasan, at pangkabuhayan.
9. Mga pinuno at/o mga kinatawan ng mga samahang sibiko o panrelihiyon na aktibo sa pamayanan bilang mga samahan.
10. Likas na mga pinuno ng mga katutubong komunidad (indigenous communities), saanman sila naroon sa sarili nilang lupang ninuno (ancestral domains). Ang mga katutubo ay napatunayan na sa nagdaang libu-libong taon na epektibong nakapag-ugat at epektibong nakapangalaga sa likas na kapaligiran. Sa buong daigdig, ang mga katutubong mamamayan ang huling pag-asa ng sangkatauhan na matutunan ang wastong pakikipag-ugnayan ng tao sa likas na kapaligiran upang makaligtas sa tiyakang kapahamakan at kapinsalaan. (Ipinahuhuli sila sa listahang ito dahil wala sila sa karamihan ng komunidad sa buong kapuluan na pagtatayuan natin ng sari-sariling mga Lupon ng Ugnayan.)
Minamarapat na maging mga tagamasid (observers) at kasangguni (consultants) ang mga kinatawan ng mga nakalagda sa Kasunduan para Ungnayang Pamayanan sa mas malaking saklaw; ang mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang instrumentalidad ng pambansang pamahalaan; ang mga kinatawan ng mga samahang kinapapalooban ng mga kasapi ng Lupon, ang mga pundasyon o institusyong pribado (non-government organizations o NGOs), gayundin ang iba pang iginagalang at interesadong mga personahe sa pamayanan, ayon sa kapasyahan ng Lupon.
Bawat Lupong itatayo ay pagkakalooban sa pinakamadaling panahong makakayanan ng sapat na sipi ng isang Aklat-Patnubay o Handbook na ihahanda at ililimbag sa pangunahing mga wika sa Pilipinas, sa pangangasiwa ng Pambansang Lupon ng Ugnayan. Tataglayin nito ang mga liwanag at praktikal na mga gabay para sa mga gawain at kaparaanan ng paggawa ng bawat Lupon.
Ang pagkilos ng mga Lupon -- ang mga batayan, kaparaanan, nilalaman at pagpapalaganap ng mga napagkakaisahan nito – ay susuriin at pararaanin sa pagtatasa (assessment) ng Pambansang Lupon upang mapahusay pa ang nilalaman at ang pagkakasulat ng Aklat-Patnubay.
Sa anumang panahon, ang alinmang Lupon ay maaaring maghain ng mga mungkahing pagdagdag, pagbawas o pagpapalit sa pagkakasulat ng Aklat-Patnubay, ngunit iminumungkahing makisangguni agad sa Pambansang Lupon o sa Kalihiman nito para sa anumang balak na hindi ito sundin. May pleksibilidad ang Lupon sa pamamaraan, basta’t napananatili ang katapatan sa lahat ng simulaing nakatala rito at sa Aklat-Patnubay.
Ang Pambansang Lupon ay ituturing nang nakatatag kapag may tatlo o apat nang samahang nakalagda sa Pambansang Kasunduan para sa Ugnayang Pamayanan. Kabilang dapat ang kinatawan ng sektor-kooperatiba, ang BSP at ang GSP, at ang kinatawan ng pamahalaang lokal. Tagapagbuo (convenor) ng Pambansang Lupon ang SanibLakas ng Taongbayan Foundation, na siyang tagapaghapag ng konsepto at teksto ng Kasunduan, at tagapaghanda ng paglagda rito.
Ipalalaganap ng mga kasapi ng Pambansang Lupon ang nilagdaang Kasunduan sa kabuuan ng mga samahang kanilang nasasaklaw, at pagtutulungan ang pagtatayo ng mga Lupon sa pinakamaraming makakayanang lokalidad sa kapuluan, ayon sa kani-kanilang kapasidad at priyoridad.
Ang isang lokal na samahan o yunit alinmang kasapi ng Pambansang Lupon ay maaaring magkusang magtayo ng Lupon, batay sa kahandaang makipagtulungan ng mga lokal na samahan o yunit ng iba pang mga kasapi ng Pambansang Lupon. Ang isang lokal na Lupon ay lilikhain ng lokal na Kasunduan para Ugnayang Pamayanan na may mga nilalaman at may mga nakalagdang katulad ng sa Pambansang Kasunduan.
NILAGDAAN sa Ninoy Aquino Nature Park, Lungsod ng Quezon, noong ng Hunyo 2, 2002, sa okasyon ng “Green Families and Green Communities Festival Day” ng komemorasyon ng World Environment Day 2002 sa Pilipinas, at may lumagda bago at matapos ang araw na nabanggit:
(Lgda.) Jejomar Binay, Pambansang Pangulo, Boy Scouts of the Philippines
(Lgda.) Cynthia Zagala, Pambansang Pangulo, Girl Scouts of the Philippines
(Lgda.) Pacifico Mayor para kay Ramon Juico , Pangulo, League of Municipalities of the Philippines
(Lgda.) Roberto Pagdanganan, Tagapangulo, Philippine Cooperative Center
(Lgda.) Soc del Rosario, Tagapangulo, National Cooperative Summit Committee
(Lgda.) Felix Borja, Kalihim-Pangkalahatan, Cooperative Union of the Philippines
(Lgda.) Lourdes Fernandez, para kay Guillermo Cua, CEO, NATCCO
(Lgda.) Rodolfo Dalangin, CEO, National Market Vendors Confederation of Coops
(Lgda.) Nelon Alindogan, Pangulo, Katipunan ng mga Kooperatibang Pansasakyan
(Lgda.) Nancy Marquez, Phil. Federation of Women in Cooperatives
(Lgda.) Clasirra Trampe, para kay Richard Arceño, Natl. Movt. of Youth in Coops
(Lgda.) Edith Santiago, Tagapangulo, Kilus Foundation, Pasig City
(Lgda.) Fatima Pontejos, Tagapag-ugnay, Oikos Youth, Bagong Silangan, Kalookan
Nagpanatang magtataguyod:
(Lgda.) Edward S. Hagedorn, Tagapangulo, TagBalay Foundation
(Lgda.) Faustino G. Mendoza, Pangulo, Natlional Economic Protectionism Association
(Lgda.) Marie R. Marciano, Pangulo, Sanib-lakas ng Inang Kalikasan (SALIKA)
(Lgda.) Vic O. Milan, Pangulo, Clear Communicators for the Environment (CLEAR)
(Lgda.) Joseph Gadit, Tagapangulo, Indigenous People's Sectoral Assembly
(Lgda.) Herminia Manimtim, Tagapangulo sa Akademya, PUP-Institute of Cooperatives
(Lgda.) Ernesto R. Gonzales, Kalihim-Pangkalahatan, Lambat-Liwanag Network
(Lgda.) Rey Cuyugan, Pangulo, Mountaineers for the Environment, at Sikap Bundok
(Lgda.) Sophia Jumlani, Pangulo, Economic Development and Environment Network
(Lgda.) Candelario Verzosa, dating direktor-tagapagpaganap, Coop Devt. Authority
Nagpatunay sa mga Lagda:
(Lgda.) Luis Torres, Info Officer, UN Information Center, at Convenor, WED-Philippines
(Lgda.) Ed Aurelio C. Reyes, Co-Chair for Non-government Sector, WED-Philippines
for inquiries, please send an e-mail message to dingreyes@yahoo.com |